Liwanag ng Bayan: Ang Kabayanihan ng mga Guro

Sa isang payapang umaga noong ika-13 ng Oktubre, habang marahang sumasayaw ang malamig na hangin at unti-unting sumisilip ang araw, nagtipon ang buong komunidad ng Saint Mary’s University Junior High School at Science High School sa simbahan, dala ang dasal ng pasasalamat at pagpupugay sa mga guro. Sa bawat taimtim na panalangin, iisa ang layunin: parangalan ang mga taong patuloy na humuhubog sa kinabukasan.
Hindi ito basta araw. Isa itong pagdiriwang ng puso at diwa na sinimulan sa banal na misa at awit ng papuri, paalala na ang tunay na tagumpay ay nagmumula sa pagkakaisa at pananampalataya.
Pagkatapos ng misa, pinangunahan ni Gng. Maricel Billedo, presidente ng PTA, ang masiglang sayawan kasama ang mga opisyal, guro, at kawani. Muling nagbalik sa kabataan ang lahat habang nagtatawanan at magkahawak-kamay na sumasayaw sa entablado. Kasunod nito, isinagawa ang quiz bee na nagpatunay sa talino, samahan, at kasiyahan ng mga guro. Sa gitna ng masayang palitan ng biro, nagwagi ang Yunit 4 sa pangunguna ni Ginoong Jenick Tagao at tumanggap ng premyong isang libong piso. Ngunit higit sa panalo, ang tunay na tagumpay ay nasukat sa pagkakaisa at ngiti ng bawat kalahok.
Pagbalik sa mga silid-aralan, hindi leksyon ang bumungad kundi mga palaro, munting salu-salo, at mga sorpresang inihanda para sa mga guro. Sa bawat tawa at kwentuhan, nagmistulang tahanan ang bawat silid. Sa hapag, bawat pinggan ay may kasamang pasasalamat, at bawat kagat ay dama ang pagkakaibigan. Tunay ngang ang paaralan ay higit pa sa isang lugar ng pagkatuto, ito ay nagsisilbing pangalawang tahanan na may malasakit at pusong nagmamahal.
Nagpakitang-gilas din ang mga guro sa isang awit na puno ng damdamin at pagmamahal. Sa kabila ng pagod, bakas sa kanilang mga ngiti ang taos-pusong kaligayahan. Ang kanilang tinig ay tila himig ng pag-asa para sa mga estudyanteng araw-araw nilang ginagabayan at pinasisigla.
Bilang pagpapatuloy ng kasiyahan, isinagawa ang mga larong naghatid ng tuwa at pagkakapatiran. Pinaka-pinagkaguluhan ang pakwan eating contest kung saan nakapiring na kumakain ang mga kalahok, bawat kagat ay halong kaba at halakhak. Sumunod ang calamansi relay na nagpatunay ng liksi at pagtutulungan ng mga guro at kawani. Sa bawat takbo at abot, sabay-sabay ang hiyawan ng mga manonood. Hindi rin nagpahuli ang iba pang palaro na nagpasigla sa paligid. Lahat ay nakisaya, at sa sandaling iyon, dama ng bawat isa ang gaan at ligaya ng samahan.
Sa pagtatapos ng araw, habang lumulubog ang araw sa sag awing silangan, naiwan ang mga ngiting hindi agad maglalaho. Higit sa lahat, bitbit ng bawat estudyante ang mas malalim na paggalang sa kanilang mga guro na nagsisilbing ilaw sa bawat landas, sandigan sa oras ng pagkadapa, at unang saksi sa bawat tagumpay.
Hindi man sila mga bayani sa aklat ng kasaysayan, sila ang bayani ng kasalukuyan, walang kapa, walang medalya, ngunit may pusong tapat at layuning dakila. At hangga’t may gurong nagtuturo, magliliwanag pa rin ang bawat silid, at mananatiling maliwanag ang kinabukasan ng bayan.