Pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa SMU Grade School: Pagpapahalaga sa Filipino at Katutubong Kultura

Buwan ng Wika 2025

Agosto 27-Naging makulay at makasaysayan ang pagtatapos ng Buwan ng Wika sa Saint Mary’s University Grade School, na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagbuo ng Bansa.” Ipinagmalaki ng mga batang mag-aaral ang kanilang talento sa entablado, na nagbigay-pugay sa yaman ng ating kultura at wika.

Nagsimula ang programa sa panimulang pagbati ni Dr. Ma. Cristeta M. Aduca ang punungguro ng SMUGS. Ipinabatid niya ang pasasalamat sa mga mag-aaral at mga magulang sa walang sawang pagsuporta sa mga programa ng paaralan. Sinundan ito ng nakatutuwang pagsayaw ng mga mag-aaral mula sa Pre-school  at madamdaming sabayang pagbigkas ng tula mula sa Unang Baitang. Ipinamalas naman ng mga mag-aaral sa Ikalawang Baitang ang ganda ng mga katutubong sayaw, habang pinasigla ng Ikatlong Baitang ang araw sa kanilang pag-awit ng mga paboritong awiting bayan.

Nagpakita ng kanilang kaalaman ang mga mag-aaral mula sa Ika-apat na Baitang sa pagpapakilala ng mga pambansang sagisag ng Pilipinas. Isa sa mga pinaka hindi malilimutang sandali ay ang pagtatanghal ng Pantomina mula sa sikat na epikong “Ibong Adarna” ng mga mag-aaral mula sa Ika-limang Baitang, na nagpakita ng kanilang husay sa pagganap. Samantala, ipinagbunyi naman ng mga mag-aaral sa Ika-anim na Baitang ang sining ng Balagtasan, na nagpakita ng kanilang galing sa pagdebate at paggamit ng wikang Filipino.

Subalit ang pinakatamis na sorpresa ay ang paghaharana nina Lucas Uriel T. Dacanay at Xander Julio M. Manalo mula sa Ika-limang Baitang, na kinatuwaan ng lahat ng manonood.

Nag-iwan ng isang mensahe ng pasasalamat si Gng. Myla R. Duenas, ang Filipino Coordinator, sa lahat ng mga mag-aaral, guro, at magulang na nakiisa upang maging matagumpay ang selebrasyon. Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang nagpakita ng talento ng mga batang Marians kundi pagpapaalala rin sa kahalagahan ng pagpapahalaga at paggamit ng ating wika bilang pundasyon ng ating pagkakakilanlan.

#SMUGS
#Level3reaccredited
#BuwanngWika
#galingSMU
#InspiredByMissionDrivenByExcellence

Isinulat nina: Sajon Nathaniel L. Ablang EIC, at Janelle D. Binbinon Feature Editor, The Little Marian 
Litrato ni: Wendell Lordwyn F. Ramos, PIO Grade School